Isang banyaga’y lumitaw sa lupaing
umaahon sa digmaang walang saysay,
unti-unting binabalangkas
ang sariling kamulatan sa loob
ng anino ng ibang bayang karanasan.
Motorsiklo’y buhol-buhol,
umaalikabok ang daan,
ang mga busina’y umaalingaw-ngaw,
nakikipanayam sa araw-araw na pangkabuhayan,
mamasdan sa bangketa, pungkul-pungkol
mga lalake, babae at mga bata’y
nangakapaligid sa hagapan,
nakaupo sila sa kay liliit na bangko—
kumakain, umiinom, nagkwe-kwentuhan.
Mga mata ko’y nagtatanong
tungkol sa kanilang kinabukasan:
dolyar ba o dong?
Sa aking isipa’y lumitaw ang mamamangka
sa Perfume Pagoda:
sa buong araw kinikita nila’y 40,000 dong;
subali’t isang kain ko lang sa restoran
sa Ha Noi ay 130,000 dong.
Sa tren, ako’y tinanong ng isang mamamayan,
‘kaya mong maglakbay sa
aming bayan, ikaw ba’y
napakayaman?’
Itong ginang turista kung minsa’y
napapagkamalang Vietnamese,
di ba’t natural lang makipag-ugnayan
ang mga balat kayumanggi?
Isipan ko’y lumilipad ukol
sa unti-unti nilang pag-ahon,
turismo ba ang tanging daan
ng kanilang kasarinlan?